Chapter Text
Lorenzo
—
“Loreign, gisingin mo na ang kuya mo. Naku, malelate kamo sya.” dinig ko kaagad ang boses ni Mama sa baba. Tinignan ko ang sarili sa salamin at nang makitang mukha na itong presentable ay saka ko kinuha ang perfume sa gilid ng kama upang ipaligo ito sa katawan. Mabuti na lang ay maaga akong nagising at nakaligo kaagad. Ayoko na rin kasing magpatanghali dahil traffic palagi sa Maynila. Manggagaling pa ako sa Cavite kaya naman kailangan ko maghanda ng maaga kahit tanghali pa ang pasok ko. Nakaramdam ako ng yabag papalapit sa kwarto ko, marahil si Loreign. “Kuya? Gising ka na raw baka mahuli ka.” katok ni Loreign sa pinto. Hindi na ako sumagot, sa halip ay kinuha ko na lang ang bag na nakapatong sa kama ko at saka lumabas at pumanhik pababa.
Naabutan ko ang mama at si Loreign na kumakain sabay. Nakauniporme na rin si Loreign at handa na sa pagpasok. Humalik ako sa pisngi nilang dalawa at saka kumuha ng tinapay at nilagyan ng spread. Nagtataka namang tumingin si Mama saakin dahil sa pagmamadali ko. “Maaga ba ang pasok mo ngayon?” tanong ni Mama.
Natawa naman ako at umiling. “Traffic ma. Agahan ko na lang,” saad ko at saka humalik sa ulo nya bago umalis. Paglabas ko ay agad ko ring binuksan ang tinapay na baon at nilabas sa plastic upang makain. 8:45 na, kung susumahin ay makakarating ako sa bus station ng 9:00 am dahil halos nasa sampung minuto lang rin naman ang byahe papuntang bayan, sana lang talaga ay hindi traffic dito saamin kung hindi ay late nanaman ako. Maya maya lang rin ay nakasakay na ako sa jeep. Kakaunti palang ang nakasakay dahil maaga aga pa rin naman. Halos puro estudyante rin at mga papasok sa trabaho ang nakasakay ko. Naupo ako sa malapit sa babaan dahil malapit lang rin naman ako, isa pa, wala ako sa mood magabot ng bayad ng mga tao.
Pagbaba ko sa bus stop ay naupo muna ako dahil wala pa raw ang bus at limang minuto pa. Kinuha ko muna ang earphone sa loob ng bag ko at sinalpak. Nakikinig lang ako sa tugtog habang ginagala ang paningin. Hindi naman ako ganoon katagal naghintay dahil wala pang limang minuto ay dumating na rin ang bus. Hindi naman siksikan ang tao kaya madali rin akong nakasakay. Naupo ako sa tabi ng bintana sa bandang gitna. Nagbayad na rin ako sa konduktor para sa ganoon, hindi maabala ang pagtulog. Nasa higit isang oras rin kasi ang byahe ko. Hindi naman ako nahirapan sa pagtulog dahil maya maya lang ay nakaidlip rin ako. Nagising lang ako sa ingay ng tao, siksikan na pala ang bus. Marami rami rin ang tao ngayon dahil lunes nga at karamihan ay may pasok.
Tahimik lang akong nanonood sa bintana dahil maya maya lang rin ay bababa na ako. Medyo may kaingayan na rin ang bus dahil siksikan, nagsisimula na ring uminit sa loob. Hay, buhay. Sino ba naman kasing matinong tao ang mag-aaral sa Maynila kahit taga-south sya? Uwian pa. Umiling nalang ako at saka tinago ang earphone sa loob ng bag ko, kinuha ko rin ang panyo ko sa bulsa at saka pinunasan ang pawis na tumatagaktak sa noo ko.
“Te, tubig? Ilan? Kinse lang.”
Isang boses ang nangibabaw sa loob ng sinasakyan ko. Speaking of, kinuha ko ang bag para kuhanin ang tubig na baon dahil sa uhaw. Alas diyes na rin kasi noong mga oras na ‘to kaya sobrang init. Shit. Agad akong napapikit sa inis ng matantong naiwan ko ang tumbler ko sa pagmamadali. Hindi naman Friday the 13th ngayon pero kanina pa ako minamalas.
Sinilip ko ang mamang nagtitinda ng tubig. Nakatalikod ito sa gawi ko dahil may bumibili pa sa unahan. Hinintay ko na humarap ito saakin saka tinawag.
Wow.
Paano ko ba ieexplain ‘to? Hindi siguro maipinta ang mukha ko ngayon sa gulat nang magtama ang mata namin. Parang kinain ng pusa ang dila ko dahil maging pagsasalita ay hindi ko magawa. May hitsura ang taong nagaalok ng tubig sa bus na ‘to. Moreno, matangos ang ilong at may bilugang mga mata. Ngumunguso rin ang labi nito sa tuwing nagsasalita sya. Kitang kita ang tulis ng adams apple nya na napapaligiran ngayon ng pawis dahil sa init ng panahon.
Pinanood ko kung paano nya punasan ang mukha gamit ang good morning towel na sya ring isinakbit sa batok nya. Ngiting ngiti ito sa bawat bumibili. Nakaputing t-shirt ito at pantalon. Basang basa na rin ang buhok dahil sa pawis pero hindi ’yon alintana dahil nagmumukha lang syang bago ligo rito.
“Kinse nay,” sagot nya sa isang matandang bumibili ng tubig. Pinapanood ko lang sya na nakasandal sa isang upuan habang nakatayo. Ang tikas ng kanyang tayo at pagbalanse ng katawan habang may dala dalang isang malaking buslo na naglalaman ng malalamig na tubig at iba pang inumin ay nagbibigay ng lakas ng dating sakanya. Sa unang tingin ay hindi mo aakalain na nagtitinda ‘to ng tubig sa initan dahil sa kinis ng katawan. Papasa nga na modelo ang isang ‘to. Bumalik ako sa ulirat ng mapansin na papalapit sya saakin. Ano ba, Lorenzo. Mukha na siguro akong baliw ngayon dahil hindi ako mapakali sa kinauupuan ko. Naiirita na rin siguro ang katabi ko dahil ang likot likot ko.
“Kuys, tubig?”
Kumuha ako ng barya sa wallet ko. Tangina, nasaan ba ‘yon. Bwisit. Bakit ko kasi nakalimutan yung tubigan ko, edi sana hindi ako nagpapanic ng ganito. “Isa.” sagot ko nang hindi tumitingin sakanya kahit ramdam ko ang paninitig nya. Iginala ko ang mata habang kinukuha nya ang tubig sa pinakailalim na parte, marahil ang pinakamalamig. “Malaki boss?” tanong nya. Tumango na lang ako at tumingin sa basket na dala nya. Kahit anong gawin mo, huwag na huwag kang titingin sakanya Lorenzo. Bakit ba kasi ang tagal nito kumuha. Hindi ko na alam kung saan idadako ang mata kaya naman sinubukan kong silipin ang mukha nya.
He has a sharp jaw, newly shaved beard, may isang piercing rin ito sa kaliwang tenga at sa labi na ngayon ko lang napansin. “Boss oh,” sunod sunod ang lunok ko ng humarap sya saakin. Inabot ko ang benteng papel. Habang kumukuha sya ng panukli ay binababa ko ang facemask na suot suot at saka uminom ng tubig. Hindi pa rin kasi ako sanay lumabas ng walang face mask. Hindi na dahil sa virus kung hindi dahil sa insecurities ko. Ganoon na lang rin siguro ang uhaw ko dahil tuloy tuloy ang lagok ko sa tubig, sobrang lamig nga nito dahil tumutulo pa ito.
“Sukli mo boss,” tumingin ako sa lalaking nagtitinda ng tubig at nakita ko ang pagangat ng tingin nya. I saw how his face stopped when he saw me. Tumagal rin ang tingin nya kaya hindi ko na nakayanan at ako na ang umiwas ng tingin. Hinablot ko na rin ang sukli.
“Piyu!” sigaw ng konduktor kaya naman ay agaran akong tumayo kahit hindi pa nakakaalis ang lalaki sa harap ko.
“Excuse me,” saad ko at saka nagmadaling bumaba. Huwag kang titingin pabalik sa bus, Lorenzo. Para kang tanga. Halos murahin ko na ang sarili ko dahil hindi ko rin alam anong nangyayari sakin. Ni hindi ko alam kung normal bang mangyari saakin ‘yon. Nang hindi ko mapigilan ay tumingin ako pabalik sa bus, nakita ko sya sa bintana na nakatayo sa pintuan at nakahawak sa bakal nito.
I saw him, the guy holding a basket of water, staring directly into my eyes. Iniwas nya ang tingin at saka ngumiti sa driver. Inalis ko na rin ang tingin ko at saka nagsimulang maglakad palayo. Habang nasa daan ay hindi ko maiwasang magtaka at mag-isip sa nangyari. I know to myself na hindi ako straight, naaattract ako sa parehong gender, nagkakagusto ako sa lalaki.
Pero ngayon.. ngayon ko lang naramdaman lahat. That was the first time na pakiramdam ko ay may nakatingin sa buong pagkatao ko, may nanunuri sa mga mata ko at may tumatakbo sa loob ng dibdib ko sa bilis ng tibok nito. Out of all people, Lorenzo. Sa taong mababa pa ang tsansa na makita mo ulit? Ang tanga, tangina. Nang makarating ako sa piyu ay balisa pa rin ako. Kalma, Lorenzo. Kalma. Hindi ka inlove. You’re just probably craving for attention that’s why. Paulit ulit kong pinipikit ang mata para makalimutan ang ngiti ng lalaking ‘yon ngunit paulit ulit lang din itong lumalabas sa utak ko. Maging ang boses nya, ring na rinig ko pa rin. Nababaliw na ata ako.
“Huy, Lorenz! Okay ka lang?” nagulat ako sa isang boses na tumawag saakin kaya napadilat ang mata ko. Si Kia pala, kaibigan ko. Kanina pa kasi kami magkausap na magkikita pero nauna pa rin ako kahit sya ‘tong taga dito.
“Oo. Late ka nanaman.” sagot ko sakanya. Tumawa naman sya at saka isinakbit ang braso saakin. Sinuot ko na ang bag ko at saka kami sabay na pumasok. Tama Lorenz, ibaling mo sa iba ang atensyon mo para hindi mo sya maisip. Naniniwala akong nagwapuhan lang ako sakanya at hindi ko sya gusto. Tama, kaya mag-aaral ako at hindi ko sya iisipin.
Natapos ang buong araw na occupied ang utak ko. Salamat na rin kay Kianna dahil kahit papaano ay nakalimutan ko ang lalaking 'yon. Tawa lang ako ng tawa hanggang matapos ang klase dahil sa mga kwento nya, minsan ay tinitignan na sya ng ibang tao dahil sobrang lakas ng tawa nya. Masasabi ko na maswerte ako kay Kia bilang kaibigan ko dahil sya lang talaga ang nakakaintindi saakin. Marami naman akong kaibigan, pero iba pa rin si Kianna. She's my rock. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala sya sa buhay ko. She's more than a bestfriend. She's more like a sister to me.
"Pero hindi nga? Sasali ka talaga sa org?" Tanong nya habang kumakain kami ng fishball sa labas. Kumuha ako ng sauce at isinalin sa cup ko na may kwek-kwek. "Kuya dalawa pong buko." saad ko sabay ngiti sa nagtitinda saka hinarap ang nagtatanong na Kianna. "Oo nga. Paulit ulit naman 'to." ani ko sabay tawa. Parang baliw kasi. Nakaapat na yatang tanong 'to magmula noong sabihin ko sakanya kanina sa vacant.
"Gago. I'm so proud of you. Nakakatuwa naman," saad ni Kia. Natawa naman ako kasi sobrang babaw nya talaga, onting bagay ay naiiyak kaagad sya. I find it sweet though. Having a friend who's happy for your small wins. "Hala si oa naman. Kala mo sya nagluwal!" hirit nya kaya naman natawa kami pareho.
Natapos ang araw ko ng matiwasay. Hinintay ko na makasakay si Kia sa jeep bago ako nagpunta sa terminal. Walking distance naman 'yon kaya nilakad ko nalang. Habang naglalakad ay hawak hawak ko ang librong pinahiram ni Kia kanina. Mahilig kasi talagang magbasa 'yon, nahawa lang ako. Nakakaenjoy naman kahit papaano. Medyo madilim na rin sa daan pero marami pa rin ang tao. Alas syete na kasi ng gabi. Kanina pang alas singko ng hapon kami nadismiss pero dahil nga hindi ko namalayan ang oras habang kausap si Kia ay ginabi na rin ako sa daan.
Abala ako sa paglalakad habang nagbabasa kaya naman hindi ko na namalayan na medyo konti na lang ang tao sa nilalakaran ko. Binilisan ko na lang ang pagtawid sa Overpass dahil anong oras na rin. Nagsisimula na rin akong kabahan dahil pakiramdam ko ay may sumusunod na dalawang pares ng mata saakin. Hindi ko iyon pinansin at mas binilisan nalang sa paglalakad kahit tahip tahip na ng kaba ang nararamdaman ko.
Naghanap kaagad ako ng mataong lugar ngunit kung minamalas ka naman talaga. Malayo layo pa at naaaninag na ng peripheral view ko ang lalaki sa likod ko. Nanatili akong kalmado at agad naghanap ng kung ano mang proteksyon na dala ko. Naramdaman ko kaagad ang ballpen sa bulsa ko. Habang binibilisan ko ang lakad ko ay pinapakiramdaman ko rin ang paglapit nya.
Tangina.
Hindi ko alam kung pinaglalaruan ba ako ng tadhana ngayong araw dahil sa dinami dami ng pwedeng mahingian ng tulong, sa dami daming pwedeng makitang tao at sa laki ng Maynilang 'to..
Binalik nya 'ko sayo.
Nakita ko nanaman ang lalaking nagtitinda ng tubig sa bus na nasakyan ko kanina. Nakatayo at nakasandal sya sa railings ng tulay sa dulo, sa harap ko. May hawak syang sigarilyo at nakatingin saakin. Pansin ko na nagulat rin sya pero nagawa nyang ibalik sa normal ang ekspresyon ng mukha nya ng maikling panahon. Hindi ko inalis ang tingin sakanya kahit ramdam ko pa rin ang lalaking sumusunod saakin. Iniwas nya ang tingin saakin at tinapon ang maliit na yosi sa lapag saka ito niyapakan.
Naglakad sya papalapit saakin. Ganoon na lang ang gulat ko ng hawakan nya ang buhok ko at ginulo 'yon. "Musta pasok? Bakit amoy alak ka? Gagi nag-inom ka pa yata, sumbong kita." kumunot ang noo ko. Anong sinasabi nya? Wala akong tatay. Tumingin sya saakin at ngumiti. Ang gwapo.
I cleared my throat before speaking. "Ayos lang k-kuya. Nakakapagod.." saad ko at saka tumawa pakunwari. Binilisan na namin ang lakad at ilang sandali lang rin ay wala na ang lalaking sumusunod saakin sa likod.
Patuloy lang kami sa paglalakad. Hindi sya nagsasalita kaya naman hindi ko alam kung paano sya pasasalamatan, tahimik lang kasi sya na naglalakad habang nakahawak sa magkabilang dulo ng panyong nakasakbit sa batok nya. Paminsan minsan ay ginagalaw nya rin ang leeg nya para patunugin 'to. Sobrang lakas ng tunog ng mga buto nya, ganon siguro sya kapagod. Napapansin ko rin ang paglayo nya ng bahagya o hindi kaya mabilis lang talaga sya maglakad? Ah, basta. Kinulbit ko sya ng marahan, lumingon naman ito saakin at umawang ang labi. Naghihintay sa sasabihin ko.
"Ah, t-thank you pala. Thank you sa pagligtas kanina, anong pwede kong gawin para makabawi?" tanong ko sakanya na nag-iiwas pa rin ng tingin dahil hindi nya inaalis ang titig saakin. Tumawa sya ng mahina. "Sus, wala 'yon. Kahit naman siguro sino nasa pwesto ko kanina, gagawin rin. Angas nga eh, hindi ka nagpanic. Nakakabilib." sagot nya.
"I was about t-to.. wala kasi akong makitang tao kanina. Hindi ko alam kanino hihingi ng tulong.." sagot ko at marahang ngumiti. Napansin ko na ngumiti rin sya at nag-iwas ng tingin.
"Sakit. Hindi ba 'ko tao?" tanong nya kaya naman ay nanlaki ang mata ko. Naoffend ba sya? Pero hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin. "No, no, n-no.. I mean w-wala kasi kanina.. hindi kita naaninag.." nagpapanic ko na sagot. Tumawa sya at saka naglakad muli kaya naman sumunod ako sakanya.
"Kuya pa nga," bulong nya, sapat na para marinig ko.
"Ano?" tanong ko. Umiling naman sya at saka ngumiti. Palangiti talaga sya. Kanina kasi habang nagyoyosi sya ay masyadong madilim ang ekspresyon ng mukha nya kaya hindi ko inexpect na ganito sya. "Ah, saan ka pala?" tanong ko dahil pareho kami ng daan na tinatahak.
"Ihahatid ka, saan ka ba?" nagulat naman ako sa sagot nya kaya agad kong hinila ang braso nya. Tumingin pa sya roon at saka nag-iwas. "S-sorry.. pero ah, hindi na kailangan. Sobra sobra na yung ginawa mo. K-kaya ko na papunta doon, isa pa malapit na rin naman yung terminal." sagot ko. Pinagkrus naman nya ang braso nya at nagsalita. "Maraming masasamang loob sa panahon ngayon, lalo na ngayon at nasa Maynila ka pa. Tsaka may bibilhin rin ako doon malapit sa terminal," sagot nya at naglakad muli kaya hindi na ako nakasagot. Nakakatawa lang na pilit kong iniiwasan isipin sya kanina pero ngayon ay kasama ko syang naglalakad papuntang terminal.
"Saan ang uwi mo?" tanong nya, binabasag ang katahimikan naming dalawa. "Ah, Cavite." sagot ko. Tumango naman sya dito.
"Layo pa. Gusto mo siguro talaga mag-aral dito 'no?" tanong nya.
"Oo. Pangarap ko na 'to, bata palang ako eh."
Ilang sandali rin ay nanahimik ulit ang pagitan naming dalawa. Ang awkward. Nahihiya rin kasi ako sakanya at sa tingin ko napapansin nya 'yon. Nang makarating kami sa terminal ay humarap na sya saakin. Doon ko lang napansin ang mata nya. Hazel brown.
"Ingat ka." paalam nya kaya naman tumungo ako at ngumiti.
"Salamat ulit, k-kuya. Sana po ay makabawi ako sainyo sa susunod." sagot ko dahil totoo naman. Mabait sya. Tumawa sya at ginulo ulit ang buhok ko.
"Wag mo na isipin 'yon. Tsaka ang laki ng Maynila oh. Imposibleng makita mo ulit ako," saad nya at saka ngumiti. Somehow, those words hurt me.
"Nothing is impossible. Sige na po, papanhik na ako sa bus. Ingat po kayo." paalam ko sakanya. Kita ko ang pagod sa mukha nya pero kahit ganoon ay pinipilit nya pa rin ang sarili na ngumiti at maging presentable sa kaharap nya. Hindi ko alam kung saan sya nakatira, ano ang buhay nya o kahit ang pangalan nya pero alam ko na mabuti sya. "Sana po ay magkita tayo ulit," huling saad ko bago umalis. Nakita ko pa ang ngiti nya bago ako tumalikod.
Hindi pa man nakakalayo sa paglalakad ay narinig ko ang munting bulong nya.
"Sana nga."
